MANILA, Philippines - Tuluy-tuloy ang pag-imprenta ng mga balota sa National Printing Office (NPO) at hindi umano nila papayagang magkaroon ng sagabal upang maantala ito.
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, kahit Sabado, Linggo at piyesta opisyal ay ipinagpapatuloy nila ang paglilimbag ng mga balota.
Aniya, bukod pa sa 24 oras ang printing, tinaasan na rin nila ang production output mula 70,000 patungo sa mahigit 100,000 balota araw-araw.
Ang kanilang desisyon ay upang matugunan ang mas malaki at mas mabilis na demand para sa naturang mga balota.
Sa ngayon ay aminado ang Comelec na napakaliit pa ng bilang na kanilang nailimbag, kumpara sa kanilang target output noon.
Aabot pa lang kasi anila sa 17-milyon ang natatapos nilang official ballots at lubhang malayo pa ito sa 50 milyong kinakailangan sa Mayo 10, 2010. (Doris Franche)