LTFRB bukas na sa special permits para sa mahal na araw

MANILA, Philippines - Bukas na ang pintuan ng Land Transportation Franchising Regulatory Board( LTFRB) para tumanggap ng mga aplikasyon para sa special permit sa mga pampasaherong sasakyan na bi­biyahe sa mahal na araw.

Ayon kay LTFRB Chairman Alberto Suansing, sa pagkakaloob ng special permit ng tanggapan, dalawang probisyon ang kanilang ipatutupad.

Bibigyan lamang ng special permit ang mga passenger bus, jeep at school bus sa kundisyong maayos o nasa kundisyon ang sasakyan at sanay ang tsuper sa pagmamaneho ng malayuan upang maiwasan ang disgrasya sa kalsada.

Magkakaroon din anya ng round the clock monitoring ang mga tauhan ng LTFRB sa mga bus terminals para matiyak na mabibigyan ng maayos na akomodasyon ang mga pasahero na uuwi ng mga lalawigan at paparito sa Metro Manila sa semana santa.

Kailangan din anyang malinis ang mga palikuran at may first aid station sa mga terminal upang mabigyan ng kaukulang ayuda ang mga pasahero sakaling mahilo dahil sa inaasahang bugso ng mga tao sa naturang okasyon. (Angie dela Cruz)

Show comments