DOJ panel laban kay Arnel Pineda bubuuin

MANILA, Philippines - Balak ng Department of Justice na bumuo ng panel of prosecutors na didinig sa anumang reklamo na maaring isampa ng National Historical Institute laban kay “Journey” lead singer Arnel Pineda dahil sa umano’y pagbago sa rendition ng “Lupang Hinirang” sa laban ni world boxing champion Manny Pacquiao kamakalawa.

Ayon kay acting Justice Secretary Alberto Agra, kailangan muna niyang matanggap ang formal complaint ng NHI bago sila magbigay ng komento sa usapin.

Inamin din ng kalihim na hindi pa niya personal na naririnig ang sinasabing maling pag-awit ng international singer kaya mahirap para sa kaniyang maglabas ng anumang opinyon.

Nilinaw naman ng NHI na wala pa silang isinasampang kaso laban kay Pineda.

Ayon kay Prof. Teddy Atienza, hepe ng heraldy section ng NHI, nangangalap pa lamang sila ng mga video sa pag-awit ni Pineda ng Lupang Hinirang .

Pagkatapos umano nito ay saka nila isusumite ang report sa NHI board na siyang magdedetermina kung kakasuhan si Pineda at saka ito iaakyat sa DOJ.

Gayunman, ayon kay Atienza, nakahanda naman silang patawarin si Pineda sakaling humingi ito ng tawad ngunit sa kondisyon na tutulong ito sa kampanya ng NHI na maituro sa publiko ang tamang pag-awit ng ating Pambansang Awit.    (Gemma Amargo-Garcia at Doris Franche)

Show comments