MANILA, Philippines - Mahigit sa 700,000 double at multiple registrants ang nadiskubre at ipinaaalis ng Commission on Elections sa kanilang voters’ list para sa May 10 automated elections.
Nadiskubre ng Information and Technology Department (ITD) ng Comelec ang may 704,542 double at multiple registrants sa pamamagitan ng paggamit ng algorithmic matching, isang bagong computer program, sa pagtsi-check ng kanilang voters’ registration records.
Kaugnay nito, kaagad namang ipinalabas ng Comelec en banc ang Comelec Resolution No. 8791, at ipinag-utos na ibawas sa official lists of voters ang mga naturang double at multiple registrants at huwag payagang makaboto sa darating na halalan.
Ayon sa Comelec, pinakamaraming double at multiple registrants na nadiskubre sa Cavite na umaabot sa bilang na 47, 016, sumunod ang tatlong distrito sa National Capital Region (NCR) na kinabibilangan ng District 2 (47,870), District 4 (46,281) at District 3 (38,056).
Natuklasan din ng poll body ang malaking bilang ng mga double at multiple registrants sa Cebu (23,602) at Davao del Sur (34,557).
Ang Batanes ang may pinakakaunting bilang ng mga double registrant, na umabot lamang sa 46. (Mer Layson)