MANILA, Philippines - Umatras na ang National Citizen’s Movement for Free Elections (Namfrel) sa petisyon maging citizen’s arm ng Commission on Elections (Comelec) para sa May 10 national and local elections.
Ayon kay Namfrel head Jose Cuisia, Jr., nagpasya silang iurong ang kanilang petisyon na humihiling na mabigyan ng akreditasyon ng poll body upang makatuwang nito sa nalalapit na halalan dahil wala aniyang patutunguhan ang kanilang laban.
Ipinaliwanag ni Cuisia na halatang hindi interesado ang Comelec sa iniaalok nilang tulong dito, kaya’t ibinasura ang kanilang petition for accreditation.
Gayunman, tiniyak ni Cuisia na mananatili silang nakabantay sa isinasagawang paghahanda ng Comelec sa automated elections sa Mayo 10.
“It’s obvious that the Comelec is not interested in Namfrel’s assistance,” ayon pa kay Cuisia.
Ang Namfrel ay kilala sa pagsasagawa nito ng quick count sa mga isinasagawang halalan sa bansa.
Kasama nitong naghain ng petition for accreditation sa Comelec ang National Secretariat for Social Action – Justice and Peace (Nassa) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ngunit ibinasura lamang ito ng poll body, dahil sa isyu ng impartiality.
Tanging ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), na dating katuwang ng Namfrel, ang nag-iisang poll watchdog na pinagkalooban ng akreditasyon ng Comelec upang maging citizen’s arm nito sa nalalapit na eleksyon. (Mer Layson)