MANILA, Philippines - Nagpasaklolo na kay National Capital Regional Police Office (NCRPO) Chief Roberto Rosales at sa media ang isang barangay kagawad ng Maynila matapos umano itong makatanggap ng pananakot at pagbabanta sa kanyang buhay at pamilya nito.
Ayon kay Raniel Cariño ng Balot, Tondo at barangay kagawad ng Brgy. 133 Zone 11 District 1, halos may isang buwan na siyang nagtatago at hindi umuuwi sa kanilang bahay dahil sa takot na pati ang kanyang pamilya ay madamay sa pangha-harass umano ng mga taga-Manila City hall.
Nagsimula umano ang pananakot sa kanya noong nakaraang buwan matapos niyang sitahin at habulin ang mga taga-Department Public Safety (DPS) nang sumakay ang mga ito sa crew cab nila Cariño at agawin ang mga posters ni dating Manila Mayor Lito Atienza. Nahabol umano ng grupo ni Carino ang mga taga DPS sa mismong brgy. nito kayat posibleng nagtanim sila ng galit sa Kagawad.
Matapos ang insidente ay sunud-sunod na pagbabanta na ang kanyang natatanggap kabilang na ang mga txt na nagsasabing “magtago ka na hindi ka namin titigilan”.
Nababahala din si Cariño sa buhay ng kanyang pamilya dahil ibat ibang uri ng sasakyan at motorsiklo ang umaaligid sa kanilang bahay, kabilang ang isang may plate no. FRP-878.
Dahil dito kayat humingi na ng tulong si Cariño kay Rosales at sa mga taga-media.