Nograles umapela sa Kor­te Suprema vs multiple/dead registrants

MANILA, Philippines - Hiniling kahapon sa Kor­te Suprema ni House Speaker Prospero Nograles na atasan ang Com­mission on Elections na linisin ang voter’s list sa Davao City matapos na madiskubre na libo-libo ang multiple/double at dead registrants dito.

Sa 10-pahinang petition for mandamus na inihain ni Atty. Danilo Basa, abogado ni Nograles, hiniling nito na atasan ang Comelec na maghanda ng bagong voters list na sumasakop sa tatlong congressional dis­tricts sa Davao City na maaring gamitin na basehan para sa May 10 national at local elections.

Ito’y kasunod ng pag­tang­gi ng Comelec na i-deactivate ang multiple/double at dead registrants sa voters lists at sa desisyon nito sa pamamagitan ng pagbibigay lamang ng watch list para sa Board of election Inspectors (BEIs) ay magbibigay lamang ng pagdududa sa magiging resulta ng national at local elections.

Nagbabala ang mga kon­gresista sa posibleng failure of elections dahil sa paglobo ng bilang ng double/multiple at dead registrants kung saan tinataya ng Parish Pastoral Council For Responsible voting (PPCRV) na umabot sa 3 milyon voters nationwide.

Kabilang sa kaduda-dudang registrants na nadiskubre ng PPCRV sa Davao city ay mga kamag-anak umano ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte kabilang dito ang kanyang kapatid na si Jocelyn na tumatakbong Kongresista sa 1st district kalaban ang anak ni Nograles na si Karlo, anak nitong si Sebastian at ang self-proclaimed “son of God” na si Apollo Quibuloy na kilala namang supporter ni Duterte. (Gemma Garcia)

Show comments