Seguridad sa eleksyon pinalakas pa ng PNP
MANILA, Philippines - Kaalinsabay ng pagsapit sa ika-60 araw na election period sa bansa, pinalakas pa ng Philippine National Police (PNP) ang security operations upang matiyak na masusupil ang mga pagdanak ng dugo sa May 2010 polls.
Inatasan na ni PNP Chief Director Gen. Jesus Verzosa ang lahat ng PNP Regional Directors at Directors ng National Support Units na paigtingin pang mabuti ang operasyon laban sa mga lumalabag sa Comelec gunban.
Ayon kay Verzosa, binigyan niya ng direktiba ang Special Task Forces at Police Manuever Units na lipulin na sa lalong madaling panahon ang namamayagpag na Partisan Armed Groups (PAGs) at lahat ng mga grupong banta sa matiwasay na pagdaraos ng eleksyon.
Inatasan rin ni Verzosa ang lahat ng PNP Units na magsagawa ng Peace Covenant sa hanay ng mga lokal na kandidato at iba pang mga partido pulitikal para tiyakin ang mapayapang halalan.
Si Verzosa ay nasa Cotabato City kung saan sinaksihan nito ang paglagda sa Peace Covenant ng mga lokal na opisyak sa Autonomous Region in Muslim Mindanao at Central Mindanao.
Sa loob ng 60 araw na Comelec gun ban operations ay umaabot sa 1,335 violators ang nasakote at nakasamsam ng 1,141 armas, 221 eksplosibo, 318 patalim at 798 gun replica. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending