Butz Aquino larga na sa pagka-mayor ng Makati
MANILA, Philippines - Hahamunin ni dating Senador Butz Aquino ang tatlong iba pang kandidatong mayor sa Makati City.
Sa isang pulong-balitaan sa Milky Way, Makati, sinabi ni Aquino na aasa siya sa matunog at walang bahid niyang pangalan. Sasandal din siya sa tumataginting na rekord bilang mambabatas na malaki ang malasakit sa mga mahihirap na mamamayan ng Makati. Nangako rin siyang hihigitan ang nagawa ng mga dating pinuno ng siyudad.
“Mahigit na 20 taon ang nakalipas ngunit hanggang ngayon, naghihikahos pa rin ang mga mahihirap,” madiing isinaad ni Butz na dating street parliamentarian at kapatid ng pinaslang na bayaning si Ninoy.
Ayon sa mga nakakakilala kay Butz, may sapat siyang kakayahang tuparin ang mga pangako sa mga maralita. Bilang congressman ng pangalawang distrito ng Makati na tatlong beses nahalal sa pwesto, nakapagpatayo siya ng mga proyekto tulad ng senior citizens centers, multi-purpose buildings at pedestrian overpasses.
Sa loob ng dalawang taon, nakapagbigay-trabaho siya sa mahigit 1,500 na taga-Makati, at nakapagmudmod si Butz ng gamot sa lahat ng barangay health centers.
- Latest
- Trending