MANILA, Philippines - Umaabot na sa lima katao ang nasawi sa sakit na tigdas nitong nakalipas na dalawang buwan at pinangangambahan pang patuloy na tumaas ang bilang nito.
Ayon kay Department of Health-National Epidemiology Center Chief Dr. Eric Tayag, sa limang naitalang nasawi, tatlo ang pawang mga walong-buwang gulang na sanggol na kapwa mga lalaki habang dalawa dito ay babae na may mga edad na dalawa hanggang 11 anyos.
Sa mga nasawi, apat dito ay mula sa Tondo, Maynila habang ang isa ay mula sa Quiapo.
Lumalabas sa record ng DoH na 742 na ang kumpirmadong kaso ng tigdas sa bansa na naitala sa pagitan ng Enero 1 hanggang Pebrero 27. Ang nasabing bilang ay 234% mas mataas kumpara sa 222 na kaso lamang na naitala sa parehas na buwan noong 2009.
Dalawang lugar pa ang isinama ng DoH na may measles outbreak at ito ay kinabibilangan ng Barangay Siyete sa Tanauan, Batangas at Catanega sa Palawan.
Magugunita na una nang isinailalim sa outbreak ng DoH ang Baseco Compound at Moriones sa Tondo; Barangay Pulang Lupa sa Las Piñas City; Balabagan town sa Lanao del Sur; Central Market sa Dasmariñas, Cavite at San Francisco sa lalawigan ng Quezon.
Nilinaw ni Tayag na karaniwang mataas ang kaso ng tigdas sa panahon ng tag-init subalit kanila pa ring iimbestigahan kung ang strain ng tigdas na kumakalat ay dati na sa bansa o bago ito. (Gemma Amargo-Garcia)