X-ray, scanning ng BoC nalusutan
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Customs Commissioner Napoleon Morales ang buong x-ray at scanning unit ng kawanihan dahil sa akusasyon na ang operasyon ng trabaho ay napasok ng sindikato.
Ang direktiba ay makaraan masita ng mga elemento ng Customs Intelligence and Investigation Service-Operations Section (CIIS-OS) ang 12 container vans na nagkakahalaga ng may P54 million na hindi idineklara.
“There will be no sacred cows here, including the x-ray unit. Even my own people at the office of the commissioner I will prosecute them if they are involved. It is my responsibility. Any infraction you have committed you have to suffer the consequences,” banta ni Morales.
Kasabay nito, inirekomenda ni BoC deputy commissioner for enforcement group na si Jairus Paguntalan na tanggalin ang mga opisyal ng Custom na sangkot sa maanomalyang pagpapalabas ng nasabing kargamento.
Sa impormasyong ipinalabas ni Morales, dalawang shipments, na naglalaman ng apat na container van ng hita ng manok at pitong containers ng “tiles” ay hinihinalang nakalusot sa x-ray unit, samantalang ang isang container van na naglalaman ng full of high-end electronic gadgets ay hindi dumaan sa eksaminasyon ng Customs. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending