Mindanaoans pagod na sa digmaan at kahirapan
MANILA, Philippines - Pagod na sa ilang dekadang digmaan at kahirapan sa katimugang bahagi ng bansa, nananawagan ang mga Mindanaoans sa gobyerno na pursigihin na ang pakikipagkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front upang matikman nila ang mamuhay sa katahimikan at kaunlaran.
“Sana hindi na maantala pa ang peace talk ng MILF at GRP para sa peace at harmony natin lahat sa Mindanao, ayaw na namin ng giyera. Kaming mga maralita ang apektado sa gulo,” wika ni Abu Yasir ng South Cotabato sa isang text message na ipinadala sa Office of the Presidential Adviser on Peace Process.
Bilang bahagi ng “Dialogue Mindanaw” program, naglagay ang OPAPP ng dalawang text lines kung saan puwedeng ipadala ng publiko ang kanilang opinyon at pananaw ukol sa peace talks sa pagitan ng gobyerno ay MILF. Para sa Smart users, inilaan ng OPAPP ang 0999-42-PEACE (73223) at 0917-83-PEACE (73223) para sa Globe subscribers. Ngayon (March 7), bibisita ang “Dialogue Mindanaw” sa Baguio City.
Marami rin ang kumbinsido na kailangang hayaan ng gobyerno ang mga taga-Mindanao na magpatakbo sa Mindanao dahil sila ang nakakaalam ukol sa nangyayaring sitwasyon doon at hindi ang mga tauhan mula sa national government na walang ideya kung ano ang tunay na nangyayari.
Kumbinsido rin ang ilan na ang gulo sa pulitika ang dahilan kung bakit ang buong Pilipinas, hindi lang Mindanao, ay naiiwan ng ibang bansa sa pag-abot sa magandang ekonomiya at negosyo. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending