Kagawad patay sa impeksiyon
MANILA, Philippines - Nasawi ang isang barangay kagawad matapos umano itong ma-impeksyon nang hindi kaagad malapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila.
Ayon kay Chairman Grace de Leon, ng Brgy. 809, itinakbo nila si Kagawad Anselmo Martinez kasama ang asawa nito sa Ospital ng Maynila matapos itong mabaril habang umaawat sa isang away sa kanilang barangay.
Kaagad umano nilang dinala sa emergency room si Martinez ng naturang ospital subalit sa halip na gamutin agad ng mga doktor at nurse dito ay sinabihan sila na hindi nila ito magagamot dahil sa walang kagamitan ang Ospital ng Maynila.
Sinabi pa ni Chairman dela Cruz na, pilit silang pinabili ng mga kagamitan tulad ng bulak at tapes upang magamot si Martinez.
Nakikiusap naman umano si Martinez sa mga doktor na gamutin na siya dahil sa matinding sakit na kanyang nararanasan.
Dahil sa wala ng magawa sila Chairman kayat kaagad silang lumabas ng ospital at bumili ng mga medical supplies na kailangan, subalit lakit gulat nila ng pagbalik nila ay patay na si Martinez dahil sa massive infection.
Iginiit ni de Leon na maari pa sanang mabuhay si Martinez kung mayroong gamit ang ospital.
Dahil dito kayat kinuwestiyon ni de Leon kung anong klaseng administrasyon mayroon ang Maynila dahil ang pinaka pangunahing pangangailangan sa ospital ay wala.
Kinuwestiyon din nito kung saan napupunta ang pondo ng lungsod gayung kahit bulak ay wala ang Ospital ng Maynila.
Dahil dito kayat hindi maiwasang maikumpara ni de Leon ang dating administrasyon ni Mayor Lito Atienza sa kasalukuyan dahil noong panahon umano ng dating Alkalde ay mayroon pa silang insurance.
“Ang trabahong kagawad o chairman ay walang sweldo, so dapat lamang na masuportahan kami sa mga medical needs,” ayon pa kay de Leon. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending