MANILA, Philippines - Nakatakdang umuwi na sa bansa ngayong Linggo ang may 17 tripulanteng Pinoy na pinalaya ng mga pirata sa Somalia matapos na makapagbigay ng milyun-milyong ransom ang manning agency ng mga tripulante.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang 17 Pinoy seamen sakay ng Taiwanese-flagged FV Win Far 161 na pinakawalan noong Pebrero 11, 2010 ay darating ngayong araw sa Pilipinas mula Kaoshung, Taiwan.
Base sa rekord ng DFA, ang nasabing pangisdang barko ay hinayjack noong Abril 6, 2009 sa karagatang sakop ng Seychelles. Ang nasabing barko ang pinakamatagal na naging hawak ng mga pirata.
Dahil dito, limang tripulanteng Pinoy sakay ng dalawang barko na lamang ang nalalabing hawak ng mga Somali pirates na kinabibilangan ng dalawang Pinoy seamen sakay sa Thai Union 3 at tatlo sa MV St. James Park. (Ellen Fernando)