Acosta nagsinungaling, kakasuhan ng Comelec

MANILA, Philippines - Sasampahan ng kaso ng Commission on Elections ang na-disqualify na presidential candidate ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) na si Vetallano Acosta dahil sa pamemeke ng dokumento.

Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, nabatid ng kanilang tanggapan na hindi rehistradong botante si Acosta taliwas sa idineklara nito sa kanyang inihaing certificate of candidacy.

Sinabi ni Larrazabal na ang certificate of candidacy ay patunay na lahat ng nakasulat ay dokumentado at totoo.

Maaari nilang sampahan ng kasong falsification of public documents, perjury

at election offense si Acosta.

Magugunitang sinabi nitong sinunod niya ang lahat ng alituntunin bilang kandidato ngunit hindi naman pala totoong nagparehistro ito.

Una ng dinisqualify ng commission en banc si Acosta dahil sa pagpapakita ng kawalan ng sinseridad na tumakbo sa halalan at ang mismong pahayag ng KBL Vice presidential bet na si Jay Sonza na hindi nito kilala si Acosta.

Malinaw aniya ang mga ebidensya na walang kakayahang maglunsad ng nationwide campaign si Acosta. (Doris Franche)

Show comments