Di kami lumipat sa NP - LP bets

MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng Liberal Party ni Senador Benigno “Noynoy” Aquino III na 300 nilang miyembro ang lumipat sa Nacio­nalista Party ni Senador Manny Villar.

Ayon kay LP Director General Chito Gascon, nahuli na namang nagsisi­nungaling ang NP upang mapaniwala ang publiko sa diumano’y lumalaking bilang nito para sa papa­rating na eleksyon sa Mayo.

Sinabi ni Gascon na walang katotohanan ang sinasabi ng NP na nag-ober da bakod ang 300 miyembro ng LP sa kampo ni Villar.

Ang mga kandidatong ipinagkakalat umano ng NP na lumipat sa kanilang kampo ay nakalistang mga “independents” sa opisyal na listahan ng Commission on Elections ng mga kandidato para sa national at local levels.

“Hindi kailanman na­kakuha ng official nomination mula sa liderato ng Liberal Party ang mga kandidatong ipinagya­yabang ng NP na tumalon na sa kanilang bakod,” diin ni Gascon.

Idinagdag pa ni Gas­con, walang katotohanan ang sinasabi ng NP na may 11 mayors na pa­wang mga miyembro ng LP sa Surigao del Norte ang lumipat na sa kanilang kampo dahil wala naman talagang incumbent ma­yors­ ang LP sa naturang probinsiya.

Sinabi din ni Gascon na hindi kailanman binigyan ng official nomination papers ng LP ang mga kan­didatong sina Roger Pata­nao (gubernatorial candidate), Mercedez Atupan (vice gubernatorial can­diate), at Jovette Calo (con­gressional candidate) ng Agusan Del Norte at ang iba pang kandidatong sumumpa sa NP.

“Kahit mag-check pa sa Comelec, makikitang hindi mga LP ang mga kandidatong ito kundi mga independents. Nana­na­tiling matatag ang Partido Liberal,” diin ni Gascon. (Malou Escudero)

Show comments