Di kami lumipat sa NP - LP bets
MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng Liberal Party ni Senador Benigno “Noynoy” Aquino III na 300 nilang miyembro ang lumipat sa Nacionalista Party ni Senador Manny Villar.
Ayon kay LP Director General Chito Gascon, nahuli na namang nagsisinungaling ang NP upang mapaniwala ang publiko sa diumano’y lumalaking bilang nito para sa paparating na eleksyon sa Mayo.
Sinabi ni Gascon na walang katotohanan ang sinasabi ng NP na nag-ober da bakod ang 300 miyembro ng LP sa kampo ni Villar.
Ang mga kandidatong ipinagkakalat umano ng NP na lumipat sa kanilang kampo ay nakalistang mga “independents” sa opisyal na listahan ng Commission on Elections ng mga kandidato para sa national at local levels.
“Hindi kailanman nakakuha ng official nomination mula sa liderato ng Liberal Party ang mga kandidatong ipinagyayabang ng NP na tumalon na sa kanilang bakod,” diin ni Gascon.
Idinagdag pa ni Gascon, walang katotohanan ang sinasabi ng NP na may 11 mayors na pawang mga miyembro ng LP sa Surigao del Norte ang lumipat na sa kanilang kampo dahil wala naman talagang incumbent mayors ang LP sa naturang probinsiya.
Sinabi din ni Gascon na hindi kailanman binigyan ng official nomination papers ng LP ang mga kandidatong sina Roger Patanao (gubernatorial candidate), Mercedez Atupan (vice gubernatorial candiate), at Jovette Calo (congressional candidate) ng Agusan Del Norte at ang iba pang kandidatong sumumpa sa NP.
“Kahit mag-check pa sa Comelec, makikitang hindi mga LP ang mga kandidatong ito kundi mga independents. Nananatiling matatag ang Partido Liberal,” diin ni Gascon. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending