MANILA, Philippines - Dalawang kilalang personahe na kabilang sa magkakaibang partido pulitikal ang lumipat na sa Bangon Pilipinas party ni Bro. Eddie Villanueva na kumakandidatong presidente sa halalan sa Mayo.
Ito ang inihayag kamakalawa ni Bangon Pilipinas Secretary General Ted Pascua na nagsabi na kabilang na sa kanilang mga kandidatong senador ang singer na si Imelda Papin na dating kasapi ng Kilusang Bagong Lipunan at Zosimo Jesus Paredes na dating konek tado sa Ang Kapatiran.
Nilinaw ni Pascua na, bagaman masayang tinatanggap ng Bangon Pilipinas sina Papin at Paredes, mataas pa rin ang paggalang nila sa ibang partidong kalahok sa eleksyon.
Ipinaliwanag naman ni Papin na lumipat siya sa Bangon Pilipinas dahil si Villanueva lang ang nakikita niyang kandidatong presidente na maaaring magpabago sa bansa.
“Ito na ang magpapabago sa atin, na magkaroon ng mamumuno na may takot sa Diyos. Iyan po ang kailangan natin para ang bawat Pilipino po ay magkaroon ng tamang direksyon. Si Bro. Eddie po ang aking nakikita, kagaya po ng nakikita ng napakaraming Filipinos, na siya lamang ang tanging presidential candidate na makakapagbigay ng tunay na pagbabago dito sa ating bansa,” sabi pa ni Papin.
Sinabi naman ni Paredes na sumama siya sa Bangon Pilipinas “sapagkat sa aking paniniwala at matinding palagay, ito po ang partidong makakatulong sa pag-angat at pagbangon ng Pilipinas mula sa kasukdulang kinaroroonan nya ngayon.”