Narco-politics
MANILA, Philippines - Ikinabahala ng Commission on Elections (Comelec) ang report ng Amerika na posibleng maka-impluwensiya umano sa resulta ng halalan sa Pilipinas ang narco-politics.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, tatalakayin nila sa en banc meeting ang naturang isyu upang matukoy kung ano ang maaaring magawa ng poll body hinggil sa naturang isyu.
Dahil dito, pinayuhan ni Sarmiento ang mga botante na maging matalino sa pagpili ng kanilang kandidatong iboboto at tiyakin na ang perang ginagastos ng pulitiko sa kanilang pangangampanya ay hindi galing sa “drug money.”
Sinabi naman ni Presidential deputy spokesperson Charito Planas na hindi na kailangan pa ang Presidente ng Pilipinas para kumilos dahil may kapangyarihan ang Philippine Drug Enforcement Agency na habulin ang posibleng mga politiko na nauugnay sa narco-politics.
Una nang sinabi ng US State Department na talamak umano ang narco-politics sa Pilipinas, lalo na’t papalapit na ang eleksiyon sa bansa.
Dahil dito, hinamon ng IT businessman at Pwersa ng Masang Pilipino senatorial candidate na si Joey de Venecia na pangalanan ng US ang mga sangkot na pulitiko dahil makaka-apekto sa integridad at kredibilidad ng halalan sa Mayo 10 ang naglilitawang isyu ukol sa narco-politics at pandaraya.
- Latest
- Trending