MANILA, Philippines - Itinalaga kahapon ni Pangulong Arroyo si Transportation Sec. Leandro Mendoza bilang bagong Executive Secretary kapalit ng nagbitiw na si Eduardo Ermita na tatakbong kongresista sa Batangas sa darating na May 2010 elections.
Sa naging desisyon ng Korte Suprema, dapat magbitiw sa posisyon ang mga miyembro ng Gabinete na kakandidato sa darating na halalan.
Bukod kay Mendoza, inilagay din ng Pangulo sina Solicitor-General Alberto Agra bilang kapalit ni Justice Sec. Agnes Devanadera; Bernie Fondevilla bilang kapalit ni Agriculture Sec. Arthur Yap; Elena Bautista kapalit ni PMS chief Hermogenes Esperon Jr., Rogelio Juan bilang kapalit ni TESDA chief Augusto Syjuco Jr. at Jake Lagonera bilang kapalit ni Budget Sec. Rolando Andaya Jr.
Ang ceremonial turn-over ay isasagawa sa Lunes sa Malacañang. (Rudy Andal)