MANILA, Philippines - Nagbabala ang ilang opisyal ng sundalo, pulitiko at ilang presidentiable sa maaring mangyaring dayaan sa eleksyon sa Mayo kapag pinagretiro si Armed Forces Chief of Staff Victor Ibrado sa Marso 10.
Marami ang nananawagan kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na huwag munang iretiro si Ibrado at bigyan muna ng tatlong buwan hanggang matapos ang eleksyon at ang susunod na pangulo na lamang ng bansa ang siyang magtatalaga ng kapalit nito.
Ayon sa mga retired generals na ayaw ipabanggit ang mga pangalan, malamang magkaroon ng mga worst case scenarios na maaring maganap bago o sa eleksyon at para hindi mangyari ang pinangangambahan ay dapat huwag munang palitan si Ibrado.
Maraming pulitiko ang nagtitiwala sa kakayahan ni Ibrado sa militar.
May senaryo rin daw nangyayari ngayon dahil kinukundisyon ang mamamayan sa power crisis kaya ang sinisisi dito ay ang El Niño phenomenon.
Ayon sa mga retired general, ipipilit umano ni Pangulong Arroyo na palitan si Ibrado ni Philippine Army Chief Delfin Bangit na sinasabing saradong bata ng una.
Si Bangit ay sinasabing loyal soldier ni Arroyo at kung ito ang magiging Chief of Staff ng AFP ay maaring magamit ang sandatahan lakas sa election. (Butch Quejada)