300 LP bets lumipat sa NP
MANILA, Philippines - Tuluyan nang napilayan ang kandidatura ni Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III sa Mindanao matapos kumalas ang kulang-kulang na 300 kandidato ng Liberal Party at sumanib sa Nacionalista Party.
Umabot sa 171 LP candidates mula sa Agusan del Sur at Agusan del Norte ang sumumpa kay NP presidential candidate Manny Villar bilang panibagong miyembro ng partido nito.
Ginanap ang maikling seremonya sa Agusan del Sur Polytechnic University ilang araw bago magsimula ang opisyal na kampanya ng pamahalaang lokal sa Marso 26.
Nitong Marso 3, nanumpa din kay Villar ang 123 LP officials at miyembro ng 11 bayan at isang lungsod sa Surigao del Norte.
Ginanap ang simpleng seremonya ng panunumpa sa Doties Hotel na pinangunahan nina Roger Patanao, kandidato sa pagka-gobernador; LP Vice Governatorial bet Dra. Mercedez Atupan, at LP congressional bet. Jovette Calo.
Sumanib din sa NP ang limang incumbent board members ng lalawigan kabilang ang lahat ng kasalukuyang alkalde, bise alkalde at konsehal ng bayan ng Kitcharao, Santiago, Tubay, Magallanes, Remidios Romualdez, Buenavista, Los Nieves, Nasipit, Carmen at Tabonga, at Cabadbaran City.
Nitong Martes, inihayag ni Surigao del Norte Gov. Robert Ace Barbers na mahigit 70% ng 400,000 botante ng lalawigan ang maipapangako niyang maihahatid na boto kay Villar. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending