MANILA, Philippines - Makaraang madiskubre ang tinatayang 50,000 double registrants, hiniling ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa Commission on Elections na ilagay sa watchlist ang Davao del Sur at Davao City.
Sa limang pahinang manifestation at mosyon na inihain ni Atty. Howard Calleja, legal counsel ng PPCRV, hiniling nito sa komisyon na ipatupad ang patakaran laban sa double registrants.
Iginiit ni Callaje sa Komisyon na balewalain ang nakapaskil na listahan ng botante at magsampa ng kasong administratibo laban sa Board of Election Inspectors sakaling mapatunayan na sangkot dito.
Ang listahan ay nadiskubre ng PPCRV na ibinigay sa Comelec noong Enero ay lumalabas na isa sa pangalan na nakalagay ang self-proclaimed “son of God” Pastor Apollo Quiboloy at iba pa ang nakasama sa double registrants.
Nabatid na ang pangalan ni Quibuloy ay kasama sa 40,000 pangalan ng double registrants kasama ang pangalan ng kapatid na babae ni Mayor Rodrigo Duterte.
Una sa listahan ang pangalan ni Jocelyn Duterte na tumatakbong Kongresista sa unang Distrito ng Davao City at anak na si Sebastian Duterte na dalawang beses na lumabas ang pangalan sa listahan.
Sa Davao City, nadiskubre rin ng PPCRV ang 940 “zombies” o deceased people na nakarehistro bilang active voters. (Doris Franche)