MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ng isang ahensya ang pagpapalaya sa 18 tripulanteng Pilipino na dalawang buwang binihag ng mga pirata sakay ng cargo vessel matapos na makapagbigay umano ng milyun-milyong ransom sa Somalia.
Ayon sa report ng European Union Naval Force Somalia, pinakawalan ng mga pirata ang MV Navios Apollon, isang bulk carrier, lulan ang 19 crew na kinabibilangan ng 18 Pilipino at isang Greek national noong Pebrero 27.
Ang barkong MV Navios Apollon ay hinarang ng mga pirata noong Disyembre 28, 2009 habang naglalayag sa karagatang sakop ng Seychelles at patungo sa Thailand. (Ellen Fernando)