MANILA, Philippines - Ilang bahagi ng Metro Manila at Luzon ang dumanas ng dalawa hanggang tatlong oras na blackout kahapon dahil sa pagkasira ng power plant sa Sual, Pangasinan at Masinloc, Zambales na nabigong magsuplay ng sapat na kuryente sa Luzon grid.
Ayon sa Manila Electric Company, inihayag ng National Grid Corporation of the Philippines na magkakaroon ng rotational brownout kahapon ng Lunes sa pagitan ng alas-10:00 ng umaga at alas-10:00 ng gabi dahil nagkaroon ng boiler tube leak sa Sual 1 at Masinloc.
Kabilang sa naapektuhan ng blackout ang Las Piñas, Makati, Malabon, Parañaque, Quezon City, Valenzuela, Muntinlupa, Pasig, Pateros, Taguig at Manila.
Nabatid kay Meralco spokesman Joe Zaldiarraga na puputulin nila ang suplay sa ilan nilang service area batay sa dami ng dumarating na suplay ng kuryente.
Saklaw ng Meralco ang 25 lunsod at 82 bayan sa Metro Manila, Bulacan, Rizal, Cavite, ilang bahagi ng Laguna, Quezon, at Batangas at 17 barangay sa Pampanga.
Sinabi naman ni NGCP senior adviser to the president Jesusito Sulit na maaaring tumagal ng limang araw ang brownout dahil sa problema sa Sual at Masinloc.
Tiniyak din ng Department of Energy na babalik sa normal ang suplay ng kuryente sa Luzon at Visayas sa loob ng limang araw.