Davao hiling ilagay sa Comelec control
MANILA, Philippines - Hiniling ni House Speaker Prospero C. Nograles sa Commission on Elections na ilagay sa ilalim ng COMELEC control ang Davao City matapos matakot ang mga mamamayan dito sa pagkakadiskubre ng imporvised bombs sa City Hall at sa isang lugar malapit sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sinabi ni Nograles, ang pagkakatuklas sa dalawang bomba ayon sa pulisya ay para takutin lang ang mamamayan pero hindi ito para saktan o patayin sila.Ang pinagtatakhan ni Nograles kung paano nagkaroon ng bomba sa munisipyo gayun matindi ang seguridad na ipinatutupad dito lalo sa mga pumapasok na tao maging empleado.
Ayon sa ulat ang unang bomba ay natagpuan dakong alas 3:45 ng hapon sa loob ng banyo ng pambabae sa city hall. Ang bomba ay nakalagay sa isang bag at inilagay sa lugar na madaling makita. Samantala, ang pangalawang bomba ay nadiskubre sa labas ng Tactical Supreme Store sa Tionko St., malapit sa Bangko Sentral ng Pilipinas.
Sinabi ni Nograles, masyado siyang nagtataka dahil ang pagkakadiskubre sa dalawang improvised bomb ay itinapat kung kailan siya magsasalita sa harapan ng Integrated Bar of the Philippines. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending