MANILA, Philippines - Hiniling ni Anakpawis Rep. Joel Maglunsod ang agarang pagbitiw ni Energy Secretary Angelo Reyes sa puwesto kung totoong nag-aambisyon itong tumakbo bilang party-list representative ng 1-UTAK na isang grupo na kumakatawan sa sektor ng transportasyon.
Itinanggi ni Rep. Vigor Mendoza ng 1-UTAK ang nominasyon ni Reyes bilang isa sa kanilang tatlong kinatawan ngunit matunog ang balitang ang hepe ng Departamento ng Enerhiya ay talagang magiging kinatawan ng grupo.
Idinagdag ni Maglunsod na nararapat lang na magbitiw na si Reyes sa kanyang puwesto dahil na rin sa Supreme Court ruling kamakailan na nagsasabing ikukonsiderang resigned na ang mga opisyal na kakandidato sa eleksyon sa Mayo 10.
Hindi rin napigilan ng militanteng kongresista na tuligsain si Reyes sa kawalan nito ng kakayahan na solusyunan ang krisis sa enerhiya na maaaring magdulot ng kaguluhan sa darating na eleksyon sa Mayo. (Butch Quejada)