MANILA, Philippines - Binigyan ng Ombudsman ng 10 araw ang matataas na opisyales ng Home Guaranty Corporation upang magpaliwanag sa umano’y “maanomalyang” bentahan ng 2.8 ektaryang lupain sa loob ng Harbour Center na nagresulta sa pagkalugi ng gobyerno.
Ayon pa sa Ombudsman, may “sapat na batayan” upang busisiing mabuti ang reklamong inihain ni Jerome Canlas, laban kina HGC President Gonzalo Benjamin Bongolan at anim na iba pang opisyal ng HGC.
Ayon kay Canlas, nalugi umano ang gobyerno ng malaking halaga matapos payagan ng HGC na mabenta sa La Paz Milling Corp. noong 2008 ang 2.8 ektaryang lupain sa loob ng Harbour Center, Maynila, sa halagang P13,000/per square meter, para sa kabuuang P384,715,800 bagaman mula P506,205,000 hanggang P694,224,000 ang aktuwal na halaga ng naturang ari-arian noong taong 1999.
Noon naman umanong Agosto 2001, nagbenta rin ng lote sa nasabing lugar ang National Housing Authority (NHA), sa halagang P17,500 per square meter, na parehong mas mataas sa presyong ibinayad ng La Paz Milling sa HGC. (Butch Quejada)