MANILA, Philippines - Tatlo pang miyembro ng Gabinete ni Pangulong Arroyo ang nagbitiw kahapon sa kanilang tungkulin alinsunod sa resolusyon ng Supreme Court hinggil sa pagtakbo ng mga ito sa May 10 elections.
Ayon kay Executive Secretary Eduardo Ermita, tinatapos na lang niya ang kanyang naiwang trabaho ngunit naihain na niya ang kanyang resignation noong Pebrero 23 pa.
Kamakalawa ng gabi ay ibinigay na rin ni Justice Secretary Agnes Devanadera ang resignationa letter nito kay Pangulong Arroyo ngunit hindi rin agad iiwan ang kanyang opisina upang matapos ang mga trabahong nakabinbin sa kanyang lamesa at inaasahang tatapusin muna ang Pebrero bago tuluyang harapin ang kanyang kandidatura bilang kongresista sa unang distrito ng lalawigan ng Quezon.
Iginiit pa ni Ermita na maraming maaaring ipalit si Pangulong Arroyo sa mga nagbitiw na gabinete. Posible umanong ipalit kay Ermita bilang executive secretary sina Transportation Sec. Leandro Mendoza o Foreign Affairs Sec. Alberto Romulo.
Matatandaan na ilan sa mga kontrobersyal na kasong hawak ng DOJ ang Maguindanao massacre at ang kaso laban kay Senador Panfilo Lacson kaugnay sa Dacer-Corbito double murder case.
Samantala, naghain na rin ng kanyang resignation si Presidential Management Staff Chief Hermogenes Esperon Jr. Nauna nang nagbitiw si Budget Sec. Rolando Andaya kamakalawa.