MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ni dating Quezon Province Gov. Eddie Rodriguez ang pamilya Suarez sa pamamangka nito sa Lakas, Nacionalista Party at Puwersa ng Masang Pilipino na inaniban nito para sa darating na halalan sa Mayo 10.
Sinabi ni Rodriguez sa isang media forum sa Maynila na ang pagsanib ng pamilya Suarez sa tatlong partido ay pinakasukdulan umano sa ‘political opportunism’ sa Bondoc Peninsula sa kanilang pagsisikap na makakabig ng anumang biyayang makukuha mula sa naturang mga partido.
Si Rodriguez ay tumatakbong kongresista sa ikatlong Distrito ng lalawigan ng Quezon.
Ikinairita ni Rodriguez na si incumbent Quezon 3rd District Rep. Danilo Suarez ay tumatakbo sa Lakas-Kampi; ang asawang si Aleta ay umanib sa NP; at ang kanilang anak na si David o Jayjay na tumatakbong muli pagkagobernador ay umanib sa PMP.
Makikita anya ito sa kanilang mga certificate of candidacy na isinumite sa Commission on Elections. (Mer Layson)