MANILA, Philippines - “Walang kupas ang Marines!”
Ang mga katagang ito ang tanging nasambit ng detenidong si Marine Col. at Nacionalista Party Senatoriable Ariel Querubin matapos mabatid na naging matagumpay na naman ang pakikipagsagupaan ng Philippine Marines sa bandidong grupong Abu Sayyaf sa Mindanao kamakailan.
Ayon kay Querubin, pinatunayan lamang ng pagkakapatay ng kanyang mga kabaro kay Kumandar Al Parad na hindi kayang igupo ng gulo sa pulitika ang kanilang determinasyon na masugpo ang terorismo na nakabahid sa rehiyon ng Mindanao.
Binabanggit din ni Querubin na isang Medal of Valor Awardee na dapat lamang na gawaran ng parangal sa lalong madaling panahon ang grupo ni Marine Batallion Landing Team 4 Cpl. Marcelino Landicho na nagtaya ng kanilang sariling buhay para lamang masupil ang paghahasik ng kasamaan ng grupo ni Parad.
Ang grupo ng Marines na dating pinamumunuan ni Querubin ang nakapatay sa itinuturing na pinakamadulas at pinakamailap na lider ng Abu Sayyaf na si Abu Sabaya at pinangunahan niya rin ang pagsagip sa dating pari sa Basilan na si Father Cirilo Nacorda mula sa mga kamay ng bandidong grupo, na naging dahilan para siya ay gawaran ng Gold Cross Medal, isa sa mga gawad parangal na napakahirap makamit.
Si Querubin ang namuno sa Marine Batallion Landing Team na 24 oras na nakipagsagupa sa may 800 na miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Kauswagan, Lanao Del Norte noong Marso 18-19, 2000 kung saan sa kabila ng malalakas na armas at dami ng kalaban ay naitaboy nila ang mga ito palayo sa lugar at nakubkob ang Camp John Mack, ang pinakastrehikong kampo ng naturang rebeldeng grupo.
Ipinaliwanag pa ni Querubin na talagang sa pakikipagsagupa sa mga elemento ng terorismo ay hindi nakakatiyak ang mga sundalo na hindi sila malalagasan tulad lamang ng nangyari sa nag-iisang napatay sa panig ng Marines na si Msgt. Eliseo Salo. (Joy Cantos)