MANILA, Philippines - Idineklara kahapon ng Asian Disaster Preparedness Center at National Disaster Coordinating na ang Pilipinas ay maituturing na “Supermarket” ng kalamidad tulad ng bagyo.
Sa pagsisimula ng 8th Meeting of the Regional Consultative Committee on Disaster Management na ginaganap sa Crown Plaza sa Ortigas Center, Pasig City ay inihayag ni Defense Secretary Norberto Gonzales na tulad ng isang digmaan ay dapat ring paghandaan ng Armed Forces of the Philippines ang suliraning dulot ng pagbabago ng panahon.
Ang bansa sa kasalukuyan, ayon kay Gonzales ay nahaharap sa papatindi pang epekto ng El Niño phenomenom o ang tagtuyot kung saan posibleng umabot sa P3 bilyon ang halaga ng pinsala sa mga pananim.
“Sa pagkakaunawa ko, naging supermarket na ng mga kalamidad ang Pilipinas. Dapat tayong tumanaw sa hinaharap tulad ng sa mga programa sa pagpapaunlad,” ayon naman kay Professor Krasae Chanawongse, chairman at Board of Trustees ng ADPC.
Ayon kay Gonzales, bilang paghahanda sa epekto ng iba’t ibang kalamidad na pumapasok sa bansa at sa maaring magiging epekto pa ng climate change na lubhang nakaka-alarma ay ipinag-utos niya na palakihin pa ang puwersa ng tinatayang 320,000 bilang ng mga reservist na planong gawing 1 milyon.
Bunga ng El Niño phenomenom na inaasahang magtatagal pa ay hinimok ng mga opisyal ang mamamayan na magtipid na ng tubig .
Ayon pa sa kalihim may posibilidad na magpatupad ng water rationing sa bansa lalo na sa Metro Manila dahil bukod sa kakulangan ng supply ay aabot na sa 40 porsiyento ng supply ng tubig ang nawawala dahilan sa mga tagas ng mga lumang tubo. (Joy Cantos)