30 Laguna mayors kuha ni Gibo

MANILA, Philippines - Nakuha ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilberto “Gibo” Teodoro ang suporta ng 30 alkalde ng Laguna sa kanyang kandidatura sa halalan sa Mayo.

Ito ang nabatid kahapon kay Laguna Governor Teresita Lazaro na nagtiyak na sumusuporta ang buong lalawigan kay Teodoro.

Sinabi ni Lazaro na, dahil 25 municipal mayor at limang city mayor ang pabor kay Teodoro, naniniwala siyang mahigit isang milyong boto ang makukuha nito sa Laguna. Pinuri rin ni Lazaro si Teodoro sa pagsasabing ang climate change ang pinaka-malaking banta sa tao kaya dapat lamang magkaisa ang taumbayan upang malabanan ito.

Nais ni Teodoro na palakasin ang kampanya laban sa climate change gayundin ang pagpapalakas sa disaster preparedness ng mga local government units upang mabilis itong makatugon sa pangangailangan ng mamamayan kapag may kalamidad tulad ng pagbaha.

Si Teodoro ang nanguna sa panahon ng bagyong Ondoy at Pepeng bilang chairman ng National Disaster Coordinating Council sa pagtulong at evacuation ng mga biktima ng matinding pagbaha noong nakaraang taon. (Rudy Andal)

Show comments