Shipping holiday sa Peb. 28 itutuloy kung...
MANILA, Philippines - Nagbanta ang shipping association na itutuloy nila ang kanilang itinakdang “shipping holiday” simula sa Pebrero 28 sakaling magmatigas si Maritime Industry Authority (Marina) Administrator Elena Bautista na huwag makipagdayalogo sa kanila.
Sa pulong Balitaan sa Tinapayan, sinabi ni Col. Ding Odonio, chairman ng Ro-Ro shipping companies, hindi umano nila gustong iparalisa ang biyahe ng mga barko kundi gusto lamang nilang mapakinggan ni Bautista ang kanilang sentimiyento.
Gayundin, nais nilang matanggal ang pagpapairal ng labis na penalties sa mga paglabag sa marines regulation.
Iginiit din ni Odonio na dapat na magtalaga si Pangulong Arroyo ng isang opisyal na may sapat na kaalaman sa Marina at ilipat na lamang ng ibang posisyon si Bautista.
Nabatid na inisnab sila ni Bautista nang humiling sila ng dayalogo kaugnay sa hindi pagresolba sa mga usapin may kinalaman sa mga regulasyon at pagpapataw ng mas mataas na multa sa kanilang mga miyembro.
Sinabi ni Odonio na masyadong nagmamadali si Bautista at gusto nitong ipatupad ang mga bagong patakaran na kanyang ginawa sa Marina kahit na walang isinagawang konsultasyon sa mga shipping association. (Doris Franche)
- Latest
- Trending