Luisita masaker unahin
MANILA, Philippines - “Paimbestigahan mo muna ang Hacienda Luisita massacre bago ang iba.”
Ito ang hamon kahapon ng United Luisita Workers’ Union kay Sen. Benigno ‘Noynoy” Aquino Jr. bilang tugon sa pahayag nito na paiimbestigahan niya ang mga katiwalian sa administrasyon ni Pangulong Arroyo kung mananalo siya bilang pangulo sa darating na halalan.
Sinabi ni Union President Lito Bais na anim na taon makalipas ang masaker ay wala pa ni isa hanggang ngayon ang napaparusahan o naaaresto man lamang dahil sa patayan. “Pito sa kasamahan namin ang namatay at 200 iba pa ang nasugatan. Nakita at alam na ito ng buong bansa,” sabi pa ni Bais.
“Siyam na taong congressman si Noynoy at naging senador. Pero wala siyang ginawa para mabigyan kami ng katarungan. Ano ang kinakatakot niya kung wala siyang dapat ipag-alala o ang kaniyang pamilya sa masaker,” ayon kay Bais.
Kung tatanggi si Aquino sa muling pagsisiyasat sa masaker, idiniin ng ULWU na wala itong moral na karapatan na mangarap man lamang na maging pangulo ng bansa. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending