Arrest warrant vs Kit Belmonte di totoo
MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ng isang kandidatong kongresista sa ikalawang distrito ng Quezon City na si Atty. Jose Christopher "Kit" Belmonte ang sinasabi sa isang paid advertise ment sa ilang tabloid na wanted siya sa kasong murder.
Idiniin ni Belmonte sa isang maikling pulong-balitaan na walang nakabimbing arrest warrant laban sa kanya saan mang bahagi ng bansa.
Sinasabi sa advertisement na siya at ang tatlo pang tao ay pinaghahanap umano ng batas dahil sa kasong “complex crime of double murder with no bail” at nagpalabas ng arrest warrant laban sa kanila ang isang korte ng Batangas City.
Pinuna ni Belmonte na kasinungalingan at libelous ang naturang anunsyo na naglalayon lang na hiyain at gipitin siya. “Inilathala ito nang walang pagsasaalang-alang sa katotohanan, due process at panuntunan ng batas,” sabi pa ng abogadong kandidato.
Sinabi pa ni Belmonte na ipinawalambisa na ng Court of Appeals noon pang Nobyembre ng nakaraang taon ang arrest warrant laban sa kanya sa kaso sa Batangas bukod sa pinatutungkulan lang sa kautusan ng korte ang ibang akusado sa kasong murder kaya hindi ito kanya.
Pinuna niya na hindi binanggit sa advertisement ang pangalan ng ibang akusado.
Ipinaliwanag pa niya na, matapos ipawalambisa ng CA ang warrant laban sa kanya, isinampa ng ibang mga akusado ang isang motion na humihiling na suspendihin ang pagdinig, ibasura ang information at arrest warrant laban sa kanila at magpautos ng panibagong imbestigasyon.
Pero ipinagpaliban ng korte ng Batangas ang pagresolba sa motion ng ibang akusado hangga’t wala pang pinal na desisyon ang Korte Suprema. Dahil dito, nananatili ang warrant laban sa ibang akusado.
Sinabi ni Belmonte na kanila pang inaalam ang mga responsable sa pagpapalabas ng anunsyo pero isa sa maaaring hakbang niya ang pagsasampa ng kasong libelo.
- Latest
- Trending