MARINA chief sibakin! - Plaza

MANILA, Philippines - Hinikayat ni Pwersa ng Masa senatorial candidate Rodolfo “Ompong” Plaza si Pangulong Gloria Arroyo na pu­magitna na ito sa nakaambang maritime holiday ng mga shipping companies sa Marso 1 sa oras na hindi sinibak sa puwesto si Maritime Industry Authority (Marina) chief Elena Bautista.

Ayon kay Plaza, panahon na para tuluyang sibakin ni Arroyo si Bautista sa Marina para mas maiwasan ang anumang sakuna sa dagat.  

Aniya, kung magmamatigas si Bautista ay sasama sa maritime holiday sa Marso 1 ang 90% ng domestic shipping industry at kasama dito ang anim na major shipping organization.

Hinamon din ni Plaza si Bautista na makipagdayalogo na lang sa mga ship owners sa halip na takutin sila na tatanggalan ng permit sa oras na sumama sa shipping holiday.

Kabilang ang Philippine Roro Operators Association (PROA), Visayan Association of Ferryboat and Coastwise Service Operators, United Trampers Association of the Philippines, Lighterage Association of the Philippines, Metro Manila Tugs, Boats and Barges Owners Association at Alliance of Philippine Fishing Federation sa humihiling na magbitiw si Bautista sa Marina. (Rudy Andal)

Show comments