P2-B landgrabbing!

MANILA, Philippines - Isang grupo ng mga magsasakang Dumagat sa Norzagaray, Bulacan ang nagbunyag na inagawan umano sila ng lupa ng kumpanyang pag-aari ni Senador Manny Villar at nagawa pang isangla ito sa halagang P2 bilyon.

Pinatutungkulan nila ang lupang saklaw ng Ori­ginal Certificate of Title No. P-858/Free Patent No. 257917 na ipinalabas sa ka­­nila ng Register of Deeds ng Bulacan at kanilang pinaninirahan mula pa noong mga taong 1960.

Pero napasama uma­no ang kopya ng kanilang OCT sa natupok na mga dokumento nang magka­sunog sa tanggapan ng Registry of Deeds noong Marso 7, 1987.

Nagpetisyon ang mga magsasakang Dumagat sa Malolos, Bulacan Regional Trial Court para sa re­constitusyon ng kanilang titulo pero kinontra ito ng Bangko Sentral ng Pili­pinas dahil ang inaangkin nilang lupa ay bahagi na umano ng isa pang titulo ng lupa na TCT T-48694 na pag-aari ng BSP.

Lumalabas na ang nasabing titulo ng lupa na hawak na ng BSP ay unang isinangla ng Manila Brickworks Inc. sa Capitol Development Bank na pag-aari nina Villar bago ito mabangkarote.

Pinalitaw umano na ang OCT 287 na hawak ng mga Villar ay ipinalabas noong panahon ng pana­na­kop ng mga Amerikano sa bansa.

Pero ayon sa abogado ng mga magsasaka na si Atty. Anthony Rafanan, noong 1944 ay nasa ilalim na ng Japanese Occu­pation ang bansa kaya walang valid title ang ipi­nalabas sa ilalim ng sina­sabing Act 496.

Ipinahiwatig ni Rafanan na peke ang titulong isi­nangla ng Manila Brick­wood sa Capitol Bank na isinangla naman sa BSP.

Ayon naman kay Atty. Nalen Rosero Galang, Chief Legal Officer ni Villar, ang pagbuhay sa isyu ay kagagawan ng mga kala­ban ni Villar sa pulitika.

Ang lahat aniya ng transaksiyon sa pagitan ng Capitol Bank na pag-aari nina Villar at BSP ay “above board and legal”.

Ang mga pinag-uusa­pan aniyang lupa na inilipat na sa BSP ay may titulo na naka-file sa Registry of Deeds.

Hinamon pa ng kampo ni Villar na magsampa na lamang ng kaso sa korte para ipawalang bisa ang titulong naremata ng BSP.

Show comments