Detenidong kandidato agrabyado - Querubin
MANILA, Philippines - Umaasa ang detinidong kandidatong senador na si Col. Ariel Querubin na pagbibigyan ng Judge Advocate General’s Office ang kanyang petisyon na humihiling na siya ay pansamantalang palayain para personal na maipaabot sa mga botante ang kanyang plataporma.
Sa kabila ng pagiging inosente sa mga paratang sa kanya, si Querubin ay nakakulong pa rin ngayon sa Kampo Aguinaldo makaraang isakripisyo ng mga nakakataas sa kanya sa nabigong kudeta matapos ang stand off ng mga sundalo sa headquarters ng Philippine Marines sa Fort Bonifacio ilang taon na ang nakakalipas.
Binabanggit din ng abogado ni Querubin na si Atty. Rodrigo Rodolfo Artuz na hindi pa napapatunayan ng military court ang kanyang kliyente sa mga paratang laban sa kanya kung kaya dapat itong payagang makalabas sa pangangampanya.
Ayon pa kay Querubin, kung hindi siya bibigyan ng kalayaang makapangampanya nang personal sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay mistulang nabalewala rin ang pagtanggap ng Commission on Elections sa kanyang certificate of candidacy sa pagkasenador.
Si Querubin ay tumatakbo sa ilalim ng Nacionalista Party at ito ay umaasang sa lalong madaling panahon ay papaboran ng military court ang kanyang kahilingan upang makasama na sa mga political sorties ng kanyang partido. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending