MANILA, Philippines - Naniniwala si Rodriguez Rizal Mayor Pedro Cuerpo na tinatarget ng Malacañang ang Liberal Party wing ni presidential bet Noynoy Aquino.
Ayon kay Cuerpo, ang pagtarget ng administrasyon sa LP ay dahil na rin sa plano ng partido na papanagutin si Pangulong Gloria Arroyo sa mga katiwaliang kinasasangkutan nito sa oras na matapos ang termino nito.
Inihalimbawa nito sina Gov. Grace Padaca ng Isabela, Governor Eddie “Among Ed” Panlilio sa Pampanga at Bulacan Gov. Jonjon Mendoza na pawang pinatatalsik sa pwesto at pinalitan ng mga kaalyado ng Pangulo.
Bunsod nito, hinikayat ni Cuerpo ang publiko na maging mapagbantay para hindi tuluyang manakaw ng administrasyon ang boto ng taumbayan sa darating na Mayo 10.
Unang pinatawan ng suspension order si Cuerpo dahil sa umano’y maling municipal order at si Gov. Casimiro Ynares na kaalyado ng administrasyon ang itinuturong responsable dito. Aniya, haharapin niya ang mga Ynares kahit pa “political dynasty” na ang mga ito sa Rizal. (Gemma Garcia)