MANILA, Philippines - Nangulelat si Department of Energy Secretary Angelo Reyes sa “performance rating survey” na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) base sa kanilang pamamahala noong 2009.
Sa ulat na inilahad ni SWS chief Mahar Mangahas, nakakuha lamang si Reyes ng 15% approval rating mula Pebrero hanggang Setyembre 2009 na siyang pinakamababa sa lahat ng miyembro ng gabinete. Nanguna naman sa naturang survey si dating Health Secretary Francisco Duque III.
Ang nasabing pagbagsak ng rating ni Reyes, ayon kay Mangahas, ay maaring nag-ugat sa kanyang kawalan ng kakayahan na agarang lutasin ang krisis sa liquefied petroleum gas (LPG) noong nakaraang taon na siyang naging dahilan din ng pagkabahala ni Pangulong Arroyo.
Si Reyes, bilang Energy chief, ay may muling kinakaharap na panibagong isyu na may kinalaman sa nagaganap na malawakang brownout dahil na rin sa krisis sa enerhiya. Sinasabing si Reyes ay nakikipag-usap na sa ilang independent power producers para mas makaiwas sa maaaring maidulot ng krisis kapag nagkataon.
Tinawag ang pansin ni Reyes nitong nakaraang taon ng ilang sektor kabilang na ang mga senador at obispo ng Simbahang Katoliko upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa mabagal nitong pagtugon sa isyu ng krisis sa enerhiya na maaring maging sanhi ng kaguluhan sa nalalapit na eleksyon ngayong 2010.
Hiniling rin ni Senador Chiz Escudero ang pagbibitiw ni Reyes sa DOE dahil sa mga pagkabigo sa pagresolba sa “power crisis” at paulit-ulit na pagtanggi na maaprubahan ang kanyang appointment ng Commission on Appointments. (Butch Quejada)