MANILA, Philippines - “Panahon na para sa katarungan.”
Ito ang sigaw ng United Luisita Workers’ Union kahapon kasabay ng pag-apela sa panibagong imbestigasyon sa pagmasaker sa pito nilang kasamahan at pagkasugat ng 200 iba pa sa kanilang welga sa harap ng Hacienda Luisita sa Tarlac may anim na taon na ang nakakaraan.
Sinabi ni acting ULWU president Lito Bais na hanggang ngayon ay wala pang napaparusahan, o naaaresto sa naganap na krimen noong Nobyembre 16, 2004.
“Wala ring naging seryosong pagkilos sa panig ng mga may-ari ng hacienda, ang mga Cojuangco at mga Aquino, para makilala, maaresto at mausig sa husgado ang mga salarin,” ayon kay Bais.
Iginiit ni Bais na hindi na sila maaring maghintay sa kawalang katarungan habang lumilipas ang panahon at ang mga salarin ay patuloy na nakakalaya.
Idinagdag pa ng isa sa mga unang miyembro ng unyon na si Federico Laza, 70, hindi na nakapag-aral pang muli ang kaniyang mga apo mula nang mapatay ang kaniyang anak na si Jesus sa masaker.
“Hindi kami tinulungan ng hacienda sa pagkamatay ng aking anak. Ni hindi sila nag-alok ng tulong para maipalibing ang aking anak. Sa pamahalaang lungsod pa ng Tarlac City nanggaling ang kabaong ng aking anak,” ayon pa kay Laza. (Butch Quejada)