MANILA, Philippines - Nilagdaan na ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Comprehensive Senior Citizen Act of 2010 na magbibigay ng exemptions sa mga lolo at lola sa pagbabayad ng Expanded Value Added Tax.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Charito Planas na ipinabatid sa kanya ni Executive Secretary Eduardo Ermita na pirmado na ng Pangulo ang nasabing batas na magkakaloob ng karagdagang benepisyo sa mga matatanda.
Ayon kay Undersecretary Planas, sa ilalim ng Comprehensive Senior Citizen Act of 2010, hindi na papatawan ng 12 percent EVAT ang mga lolo at lola sa pagbili ng gamot, pagbili ng mga merchandise gayundin sa pagsakay sa mga eroplano at barko.
Sa ilalim ng bagong Comprehensive Senior Citizen Act ay exempted na sila sa EVAT kaya buo na nilang makukuha ang kanilang 20 percent discount sa pagbili sa botika ng mga gamot, pagkain sa mga establishments gayundin sa mga hotels at maging sa pagsakay sa eroplano o barko.
Idinagdag ni Planas na naantala ang paglagda ni Pangulong Arroyo sa nasabing batas dahil hindi kaagad naipadala ang kopya nito sa Office of the President matapos na aprubahan ng Kongreso.
Umaabot na sa apat na milyong senior citizen ang inaasahang makikinabang sa exemption sa value-added tax.