'Problema sa poll automation sabihin' - Gibo
MANILA, Philippines - Hinikayat kahapon ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert Teodoro Jr. ang Commission on Elections na isapubliko kung mayroong problema sa poll automation kasabay ng paglalantad din ng kanilang alternatibong plano.
Sinabi ni dating Defense Secretary Teodoro sa forum na itinaguyod kahapon ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), dapat maging totoo ang Comelec kung matutuloy o hindi ang automated polls sa May 2010 elections.
Wika pa ni Gibo, dapat isiwalat din ng Comelec kung ano ang kaya at hindi nila kayang gawin para sa kauna-unahang automated poll elections sa Mayo.
Hiniling din ni Teodoro sa Comelec na agarang ibunyag sa publiko ang kanilang back-up plans upang hindi naman malagay sa alanganin ang kredibilidad ng resulta ng May 2010 elections.
“Bilang tagalabas na tumutingin paloob, natural lang na magkaroon ako ng mga duda. Kailangan talagang isiwalat ng Comelec ang kanilang magagawa at hindi magagawa at ano ang dapat nating asahan sa kanila,” sabi pa ni Teodoro. (Rudy Andal)
- Latest
- Trending