MANILA, Philippines - Iniharap na kahapon ng militar sa Court of Appeals ang Morong 43 para sa hearing ng habeas corpus petition na inihain ng kanilang mga kaanak.
Sa pagsisimula ng hearing, isa-isang nakaposas ang mga health workers kasama ang kanilang military escort na iniharap kay CA Associate Justice Portia Hormacuelos.
Dito naman binawi ni Jane Balleta, 27 anyos at isa sa mga inaresto, ang kanyang naunang pahayag na siya ay minolestiya ng ilang miyembro ng militar.
Ang pagbawi ni Jane ay bunsod sa naunang pahayag ng ina nitong si Ofelia Beltran-Balleta na sinabi umano ng kanyang anak nang bumisita ito sa kampo ng militar na minolestiya siya ng mga ito.
Kusang loob namang pina-interview ng isang military officer na may nameplate na Zaragoza sa mga mamamahayag si Balleta.
Ayon kay Balleta, hindi totoong minolestiya siya ng militar at siya ay maayos na trinato ng mga ito subalit inamin nito na “under too much pressure” siya na itinanggi naman nitong ipaliwanag ang kanyang ibig sabihin.
Si Balleta ay empleyado ng Council for Health Development, isang non-government organization, at kabilang sa 43 health workers na naaresto noong February 6 sa Morong Rizal at pinagbintangang mga miyembro ng New People’s Army.