MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang Department of Foreign Affairs sa mga Pinoy na nag-aapply at nakatakdang magtrabaho sa Poland lalo na sa mga ni-recruit na “mushroom pickers” na huwag nang tumuloy sa nasabing bansa.
Sinabi ni Ambassador Alejandro del Rosario na may 86 OFWs na pawang kababaihan at nagtatrabaho bilang mushroon pickers sa Poland ang nakararanas ng pagmamaltrato ng kanilang employer.
Nagbigay na ng representasyon ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) sa hindi pag-iisyu ng clearances para sa deployment ng mga Pinoy patungong Poland bilang mushroom pickers.
Nabatid na umaabot lamang sa US$150 hanggang US$500 kada buwan ang sahod ng bawat mushroom picker sa Poland habang US$4,000 ang hinihinging placement fee patungong Poland.
Bukod sa pagiging mushroom picker ay pinagtatrabaho pa ang mga Pinay gaya ng paglilinis sa production site at sa buong sakop na lugar nito at hindi sila binabayaran sa dagdag trabaho. (Ellen Fernando)