MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng Malacañang na hindi bahagi ng polisiya ng gobyerno ang pamimigay ng condom upang maiwasan ang pagbubuntis o contraception.
Nasorpresa rin si Deputy Presidential Spokesman Ricardo Saludo sa lumabas na ulat na namahagi ng condoms ang ilang empleyado ng Department of Health sa Dangwa Flower Market sa Maynila sa mga customers na namimili ng bulaklak kaugnay ng Valentine’s Day. Ang pamimigay ng condom ay bahagi umano ng “Ingat Lagi, My Valentine” ng DOH.
Ayon kay Saludo, walang programa ang gobyerno para sa pamamahagi ng condom.
Pinayuhan pa ni Saludo ang DOH na tingnan ang programa nito upang hindi magbigay ng maling impresyon sa mga mamamayan.
Ang itinutulak umano ng gobyerno ay ang tinatawag na “responsible parenthood” upang makaiwas ang mga mamamayan sa nakahahawang HIV-AIDS,
Nauna nang ikinabahala ng DOH ang pagtaas ng bilang ng mga kabataan na nagkakasakit ng HIV-AIDS na karamihan umano ay mga nagtatrabaho sa mga call centers.
Samantala, nilinaw naman ni Health Secretary Esperanza Cabral na mga retailers at hindi ang DOH ang namimigay ng libreng condoms sa mga pamilihan ng bulaklak sa Maynila.
Simula kahapon ay namimigay ng libreng condoms ang DOH sa mga flower shops na isinabay sa mga bumibili ng bulaklak. (Malou Escudero/Doris Franche)