Di lahat ng maka-Cory pro-Noynoy
MANILA, Philippines - Pinakamamahal ng mga Pilipino sa mga naging lider ng bansa si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino subalit hindi lahat ng nagmamahal sa kanya ay boboto sa kanyang anak na si Liberal Party standard bearer Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III.
At maging ang mga nagmamahal sa asawa ni Cory na ang pinaslang na si Sen. Benigno “Ninoy” Aquino ay hindi rin boboto kay Noynoy, ayon sa survey ng Pulse Asia.
Sa naturang survey, 35 porsyento ang nagsabi na pinakamamahal nilang lider o pulitiko si Aquino na sinundan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos (15 porsyento).
Pangatlo naman si dating Pangulong Joseph Estrada na may 13 porsyento na sinundan ng pinaslang na si Sen. Benigno “Ninoy” Aquino Jr., at dating Pangulong Ramon Magsaysay (7).
Sumunod naman si Nacionalista Party presidential bet Sen. Manny Villar (5 porsyento), Pangulong Arroyo (2), namayapang si Fernando Poe Jr., (2), dating Pangulong Diosdado Macapagal (1), Sen. Francis Escudero (1), dating Pangulong Fidel Ramos (1), namayapang DepEd Sec. Raul Roco (1), pambansang bayani Jose Rizal (1), vice presidential bets Loren Legarda (1) at Mar Roxas (1).
Sa mga bumoto kay Cory, 50 porsyento ang nagsabi iboboto nila ang anak nitong si Noynoy at 33 porsyento naman ang nagsabi na si Villar ang kanilang iboboto.
Sa mga umiidolo naman kay Marcos, 22 porsyento ang boboto kay Noynoy at 42 porsyento kay Villar samantalang ang mga nagmamahal kay Estrada ay nagsabi na 19 porsyento ang boboto kay Noynoy at 29 porsyento naman kay Villar.
Ang mga maka-Ninoy naman, 65 porsyento ang boboto kay Noynoy at 22 porsyento ang boboto kay Villar.
Kinuha ang opinyon ng 1,800 respondents sa survey na isinagawa noong Enero 22 hanggang 26. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending