MANILA, Philippines - Inatasan ng Commission on Elections si priest-turned Pampanga Governor Eddie “Among Ed” Panlilio na bumaba na sa kaniyang puwesto, kasunod nang pagdedeklara nito kay Lilia Pineda bilang siyang nanalong gobernador ng lalawigan noong 2007.
Sinabi ng Comelec Second Division sa desisyon nito na lumitaw sa isinagawa nilang recount na si Pineda ang nanalo sa halalan at hindi si Panlilio, matapos na makakuha ang una ng botong 190,729, na mas mataas ng 2,011 kumpara sa 188,718 na botong nakuha ng dating pari.
Si Pineda ay asawa ng negosyanteng si Rodolfo ‘Bong’ Pineda na malapit kay Pangulong Arroyo.
Hindi naman na ikinabigla pa ng kampo ni Panlilio ang naging desisyon ng Comelec dahil matagal na umano nilang alam na hindi sila ang papaburan ng poll body sa kasong ito.
Tiniyak naman ni Atty. Sixto Brillantes, abogado ni Panlilio, na iaapela nila ang kaso at haharangin ang pagpapaalis kay Panlilio sa pwesto.
Si Panlilio na ang ikatlong miyembro ng Partido Liberal na sinipa sa pwesto ng Comelec ilang buwan bago ang eleksyon sa Mayo.
Unang idineklara ng Comelec Second Division na natalo sa 2007 elections ang mga kasalukuyang Gobernador ng lalawigan ng Isabela na si Grace Padaca at si Joselito “Jonjon” Mendoza ng Bulacan.
Samantala, diringgin umanong muli ng Comelec ang electoral protest na inihain ni dating Agrarian Reform Secretary Roberto Pagdanganan laban kay Mendoza sa Lunes.
Alinsunod sa panuntunan ng Comelec, apat na boto ang maituturing na majority vote.
Sa kaso ng protesta ni Pagdanganan laban kay Mendoza, tatlong boto lamang ang pumabor kay Pagdanganan, at tatlo ang Commissioner na hindi nag-participate sa botohan habang isa ang nag-dissent.
Nabatid na kabilang sa tatlong Commissioners na bumoto pabor kay Pagdanganan ay sina Nicodemo Ferrer, Elias Yusoph, at Lucenito Tagle.
Hindi naman lumahok sa botohan sina Comelec Chairman Jose Melo at Commissioner Gregorio Larrazabal dahil malapit umano sila sa mga concerned parties.
Hindi rin bumoto si Velasco dahil bagong Commissioner lamang ito ng Comelec, at hindi umano niya personal na napag-aralan ang mga ebidensya sa isyu.
Sinabi ni Ferrer na sa gagawing muling pagdinig sa isyu, muli silang magbobotohan upang magkaroon ng majority vote. (Doris Franche/Mer Layson)