MANILA, Philippines - Ipapaaresto at makukulong ng hanggang anim na taon ang mga artistang magpapatuloy sa kanilang mga shows habang nangangampanya sa kani-kanilang mga kandidato para sa nalalapit na eleksiyon.
Binalaan din ng Commission on Elections maging ang mga istasyon ng telebisyon at radyo na tatanggalan ng prangkisa kung patuloy na papayagan ng mga ito ang kanilang artista sa pagpopromote.
Dahil dito, umapela si Comelec-Law Department chief Atty. Ferdinand Rafanan sa mga employers ng mga nasabing artista na pagbakasyunin muna ang kanilang mga talent habang panahon ng kampanya.
Hinikayat din nito ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na pormal nang ireklamo sa Comelec ang mga artistang may political endorsement pero nagso-show pa rin.
Ang kautusan sa ilalim ng Fair Elections Act 9006 ay nakatakdang ipatupad sa susunod na linggo at nakasaad dito na dapat munang mag-leave ang sinumang columnist, commentator, announcer, reporter, on-air correspondent o personality na kandidato at campaign volunteer habang umiiral ang campaign period.
Sa Pebrero 16 ay susulatan na ng PPCRV ang mga istasyon ng telebisyon, radyo at peryodiko para ipaalala ang isinasaad ng Fair Elections Act.
Magugunitang si Liberal Party standard bearer Sen. Benigno “Noynoy” Aquino ay inieendorso ng mga artistang sina Vilma Santos, Kris Aquino, Boy Abunda, Sharon Cuneta, Ai-Ai delas Alas, Dingdong Dantes, Marian Rivera, Ogie Alcasid, Regine Velasquez, Anne Curtis, Erik Santos, Bea Alonzo, Gretchen Barretto, Mariel Rodriguez, Sitti, Pooh, Kim Chiu, Kris Bernal at Aljur Abrenica.
Habang si Nacionalista Party presidential bet Senator Manny Villar ay sinusuportahan nina Dolphy, Sarah Geronimo, Michael V., Willie Revillame, at Raymond Gutierrez.
Pormal na nagsimula ang campaign period noong Pebrero 9 at magtatapos sa Mayo 8. Ang mga local candidates ay maaaring mag simulang mangampanya sa Marso 26 pa.